Sunday, March 1, 2015

Hanggang sa Muli


Hanggang sa Muli…
ni: Ronald P. Rocha
geyrald_05

 A
ng karimlan ng gabi ay muling napalitan ng liwanag na siya ring unti-unting bumasag sa katahimikan. Ang ginaw at hamog ng ganitong sandali ay pumupukaw na sa mga kaluluwang natutulog upang muling kumilos at salubungin ang umagang dumarating.
            Sa isang silid ay naroon ang isang dalaga, tulad ng mga nagdaang araw ay walang kibo. Mula sa bintana ng kanyang silid y natatanaw niya ang ilang estudyanteng pumapasok na sa pamantasan, subalit sa sarili niya ay hindi mawari kung may balak pa siyang pumasok ngayong araw. Iginalaw niya ang mga paa, inilinga ang mata sa paligid hanggang sa makita ang isang salamin. Bahagyag lumalim ang kanyang mga mata at maputla ang labi, malaki ang ipinagbago ng kanyang pangangatawan.
            “Krrrrnngg!” Nagulat siya at sa pagkabigla ay kaagad na naiangat ang telepono. “Monique!” nagsasalita na ang nasa kabilang linya pero wala parin siyang nalalaman sa gagawin o sasabihin. “Monique!” nagpapatuloy sa pagsalita ang nasa kabilang linya. “May sorpresa ako para sayo!” Pilit na ikinalma niya ang sarili “Hello, Jake, ano ba yang sorpresa mo… ha?” “Basta, pumunta ka nalang sa hallway, hihintayin kita ha…” biglang ibinaba ng kausap ang telepono kaya’t napilitang pumasok ng pamantasan si Monique.
            Mula sa bakal na gate ay tanaw niya ang mga pasilyo hanggang sa sulok ng pamantasan- ang mga estudyanteng maiingay, nagsasaya, nagkakantahan at nagkakalat. Sa gawing kaliwa ang hallway, naghihintay nga si Jake doon kasama ang  dalawa niyang kaklase. Habang lumalapit siya ng marahan ay bahagya na ring lumalayo ang dalawang nauna. Nag-usap sina Jake at Monique, makaraan ang ilang saglit ay may iniabot si ang lalaki sa dalaga, isang maliit na kahon iyon.
            “Akala ko ba’y tutol ang magulang mo sa relasyon nating dalawa”. “Hindi na mahalga yun… Monique… Mahal na mahal kita”. Tumahimik ang babae nagkatinginan ang nangungusap nilang mga mata, isang mapusyaw na pamumula ang kumalat sa mukha ng babae. Muli ay nasilayan ni Jake ang mapanghalinang mga ngiti ng kasintahan, malantik na pilik-mata at  mga buhok na sa twina’y bigkis ng pising panali na sa kabuuhan ay lubhang kaakit-akit sa kanyang mag mata. Lumigon sa paligid ang kaharap at sabay na nagwika… “Jake, Kailangan ko na palang umalis” “Saglit lang,” hinawakan nito ang braso ng babae at napansin ang bahagyang ipinayat nito. “siyangapla, parang pumapayat ka at laging may malalim na iniisip” “wala ito, napagod at napuyat lang kagabi.”
            Umuwi  narin si Monique pagkatapos ng tagpong iyon. Habang naglalakad ay napaisip siya bagama’t may galak sa kanyang dibdib dahil sa patuloy na nagmamahal ni Jake mula pa nung  hayskul sila at takot din dahil sa napansin na ni Jake ang kanyang pamamayat at pananamlay.
            Ilang hakbang pa ay nasa labas na siyang muli ng pamantasan, napatingin siya sa kanyang cellphone, liminga siya sa paligid at tila may pilit na iniisip na bagay na kanyang nalimutang gawin pero wala siyang maalalang anuman. Nagpatuloy siya sa paglakad, pumasok sa isang iskinitang patungo sa kanilang tahanan. Habang binabagtas ang daan ay sumagi sa isip niya ang ilang masasayang tagpong kaulayaw niya si Jake. Ilang taon na ang nakakaraan, minsan siyang naakit na magbasa ng mga kwentong pampaaralan na isinulat ni Jake. Matalik pa lamang silang noon, nang mabasa niya ang sipi ay nagulat siya sapagkat siya pala ang laman ng kwento-mga tagpong silang dalawa ang magkaulayaw, nag-uusap at nagkakantahan. Gayundin ang  palaging pagtulong nito sa mga proyekto, mga tula at pagpinta at mga takdang aralin, ito na halos ang guamawa noon para sa kanya. Noon din niya nalaman na may lihim na pagtingin sa kanya ang manunulat.
            Hindi niya halos namalayang nasa tapat na pala siya ng bahay nila. Naputol ang kanyang pagbabalik gunita dahil sa ingay ng isang matandang nasa loob ng bahay. “Ano kaba naman Monique…. Check- up mo ngayon , bakit hindi ka nanaman pumunta sa doktor… magpapakamatay kana ba?
            Dahil sa narinig ay bigla siyang natauhan, iyon pala ang bagay na kanina pa niya iniisip. Ayon sa huling sabi ng doctor ay malala na ang sakit niya sa baga at puso. Sa tuwing naalala niya iyon ay lalo siyang nanghihina at nawawalan ng pag-asa, bagay na hanngang sa ganitong mga sandali ay di pa niya nasasabi sa nobyo.
            Dali-dali siyang pumanhik sa loob, may kinuhang ilang gamit at papeles na kailangan saka muling inilakad ang mga paang hinang-hina na. Hindi na niya napansin ang ilang tambay sa labasan dahil sa pagmamadali. Akmang sasakay na siya ng pampasaherong dyip nang biglang may humawak sa kanyang nanglalamig na mga braso, nang ilinga niya ang paningin ay nakita niyang si Jake pala iyon. Pinilit niyang ikinalma ang sarili pero lalo pang namutla ang kanyang mga labi. Naramdaman na lamang niyang may pwersa na kumalong sa kanyang nanghihinang mga katawan.
            Nang muling magmulat ang kanyang mga mata ay tiyak niya sa sariling nasa ospital siya. Sa gilid ng kanyang kama ay nagising na rin si Jake at ang kanyang ina. Pinilit niyang magsalita… “I’m Sorry Jake, Di ko sinabi sayo.” “Ok lang iyon Monique, ikininuwento na ng nanang mo ang lahat.” Umiiyak na nagsasalita, hinawakan niya ang kamay ng kasintahan. “mahal na mahal kita, Monique.”
“Mahal na mahal din kita Jake… at hanggang sa muli ay patuloy kitang mamahalin.”
Dumaloy ang luha sa pisngi ng dalaga, nangungusap ang mga matang hinigpitan ang kapit sa kamay ng kasintahan.
Naramdaman ni Monique ang mainit na bisig na yumayakap sa kanya. Nasilayan niyang muli ang mukha ng binata, maamo, puno ng pagmamahal at pagkalinga. Lalong humigpit ang pagkayakap nito, kinabig ang kanyang mukha palapit sa dibdib nito at itinapat sa puso.
Matagal.

            

No comments:

Post a Comment